Ayon kay Anas bin Mālik, malugod si Allāh sa kanya, may isang pangkat ng mga Kasamahan ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na nagtanong sa mga maybahay ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, tungkol sa gawain niya sa lihim [na kalagayan]. Nagsabi ang iba sa kanila: "Hindi ako makikipagtalik sa mga babae." Nagsabi ang ilan sa kanila: "Hindi ako kakain ng karne." Nagsabi ang iba pa sa kanila: "Hindi ako matutulog sa higaan." Nakaabot iyon sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan kaya pumuri siya kay Allāh, nagbunyi, at nagsabi: "Ano ang isip ng mga taong nagsasabi ng ganito? Subalit ako ay nagdarasal, natutulog, nag-aayuno, tumitigil sa pag-aayuno, at nakikipagtalik sa mga babae. Ang sinumang umayaw sa sunnah ko ay hindi kabilang sa akin."
Ayon kay `Abdullāh bin Mas`ūd, malugod si Allāh sa kanya: "O pulutong ng mga kabataan, ang sinumang makakakaya sa inyong magpamilya ay mag-asawa sapagkat tunay na ito ay higit na pumipigil sa [bawal na] tingin at higit na nangangalaga laban sa pangangalunya. Ang sinumang hindi makakakaya, kailangan sa kanya ang pag-aayuno sapagkat tunay na ito ay may pampigil."
Ayon kay Sa`d bin Abī Waqqāṣ, malugod si Allāh sa kanya, na nagsabi: "Tinutulan ng Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, kay `Uthmān bin Mađ`ūn ang pag-ayaw sa pakikipagtalik. Kung sakaling nagpahintulot siya roon, talagang nagpakapon sana kami."
Ayon kay `Abdullāh bin `Amr bin Al-`Āṣṣ, malugod si Allāh sa kanilang dalawa: "Ang mundo ay kasiyahan at ang pinakamabuti sa kasiyahan dito ay ang babaing matuwid."
Ayon kay `Abdullāh bin `Umar, malugod si Allāh sa kanilang dalawa: "Ang Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay nagbawal sa Shighār."